CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 35-anyos na misis matapos itong pagsasaksakin ay pinagnakawan pa ng kanyang houseboy sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Binahan Proper sa bayan ng Ragay, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Bandang alas-5 ng umaga nang matagpuan ang duguang katawan ng biktimang si Amor Pramis, may-ari ng karinderya sa nasabing barangay.
Lumilitaw na magdamag na nagbantay sa pag-aaring Hamurawon Eatery sa Andaya Highway ang mister ng biktima.
Kaagad naman umuwi ang mister upang gisingin ang kanyang misis para magrelyebo sa pagbabantay subalit bumungad sa kanya ang duguang katawan ng kanyang misis kung saan nagkalat ang kanilang gamit sa bahay.
Dito na rumesponde ang pulisya at nagsagawa ng follow-up operation kung saan nasakote naman ang suspek na si Jason Porteria, 29, tubong Villa Hida, Lopez, Quezon.
Narekober ang P 8, 200 na kinuha ng suspek sa pitaka ng biktima at ilang mamahaling alahas.