ANTIPAS, North Cotabato, Philippines – Tinatayang aabot sa P2.5 milyong halaga ng pananim ang nawasak matapos manalasa ang buhawi sa bayan ng Antipas, North Cotabato noong Sabado ng umaga. Sa ulat ni P/Inspector Felix Fornan, hepe ng Antipas PNP, naapektuhan ng buhawi ang malawak na plantasyon ng saging, mais at goma na pag-aari ni Chairman Golosino sa Barangay Canaan. Maliban kay Golosino, siyam iba pang magsasaka sa mga Barangay Canaan at Camutan na dapat na aanihin ang sinalanta ng buhawi. Wala namang nasugatan o kaya nasawi sa pananalasa ng buhawi. Naging palaisipan sa mga residente ang pagdalaw ng buhawi sa kanilang bayan dahil sa loob ng maraming taon ay walang napapagawing tornado sa nasabing bayan.