Bata nakuryente sa eskuwelahan, dedo
ZAMBALES, Philippines – Napaaga ang kamatayan ng 7-anyos na batang lalaki habang nasa kritikal namang kalagayan ang dalawang iba pa matapos makuryente mula sa nalagot na linya ng kuryente sa harap mismo ng eskuwelahan sa Barangay San Juan sa bayan ng Castillejos, Zambales kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si James Sanchez, Grade 2 pupil habang nasa kritikal na kalagayan ang utol nitong si Jose Genedy Sanchez, 24; at isa pang mag-aaral na si Rosandy Guttierez.
Nabatid na papauwi na ang mag-utol na Sanchez lulan ng motorsiklo nang biglang malagot ang linya ng kuryente sa harap mismo ng Pres. Ramon Magsaysay Memorial Elementary School.
Dito na nabagsakan ng kawad ng kuryente ang mga biktima kung saan napuruhan si James at kaagad na namatay habang ang dalawa naman ay nagtamo ng 3rd degree burned sa buong katawan.
Samantala, ipinag-utos ng ilang lokal na opisyal ng pamahalaan ang agarang imbestigasyon sa naganap na insidente.
Wala pang maibigay na opisyal na pahayag ang Zameco sa naganap na trahedya dahil hindi pa natatapos ang kanilang imbestigasyon, ayon kay John Ragadio, manager ng accounting services department.
Gayon pa man, nagpaabot naman ng tulong pinansyal ang pamunuan ng Zameco sa pamilya ng mga biktima.
- Latest
- Trending