ZAMBOANGA CITY, Philippines – Sapilitang kinuha ni kamatayan ang 8-buwang gulang na sanggol na babae matapos itong makulong sa nasusunog na bahay sa Sunrise Village, Barangay Guiwan sa nabanggit na lungsod noong Miyerkules ng hapon.
Animo’y uling ang katawan ng biktimang si Bianca Paragoso matapos itong matagpuan ng mga residente.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagsaing sa kalang-de-uling ang ina ng bata na si Rosalyn Paragoso kung saan pansamantalang iniwan ang kanyang anak na si Bianca para hanapin ang dalawa pang anak.
Gayon pa man, nang bumalik ang ina ay nagimbal ito dahil nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay.
Sinasabing kumalat sa buong kabahayan ang apoy mula sa nasusunog na sinaing sa kalan kung saan nadamay ang sanggol na natutulog sa duyan. The Phil. Star News Service