Pulis, 2 pa tiklo sa bentahan ng armas
MANILA, Philippines - Isang bagitong pulis-Basilan at dalawang iba pa ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya kaugnay ng pagkakasangkot sa pagbebenta ng mga armas sa mga armadong grupo sa Maguindanao, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang naarestong pulis na si PO1 Julkifli Taraji, 43, dating miyembro ng Moro National Liberation Front na nakapasok sa PNP sa pamamagitan ng Integration Program ng pamahalaan.
Ang dalawa pang suspek ay nakilala namang sina Sampang Abdulrajak at Sahara Abas na kapwa dating miyembro rin ng MNLF na nakipagkasundo sa gobyerno noong 1996.
Ang tatlong suspek na inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu ng 12th Judicila Region sa Datu Osin Sinsuat ay ikinanta ng nasakoteng si Zainodin “Buding” Antao na nasugatan sa engkuwentro matapos salakayin ang hideout ng gun running syndicate sa Cotabato City noong Biyernes.
Lumilitaw na isang grupo ng mga Tausug mula sa Basilan ang dumaong sa Zamboanga City bago nagtungo sa nasabing bayan para dalhin ang mga armas sa kanilang kontak na rebelde.
Nasamsam ng mga tauhan ni P/Senior Insp. Melecio Mina ang tatlong cal. 50 sniper rifle, 3-rocket propelled grenades, M60 machine gun, propellants, granada, cal.45 pistol at 16-rounds ng bala ng cal. 7.62.
- Latest
- Trending














