Resolusyon pabor sa alkalde, iligal- DILG
PANGASINAN, Philippines – Walang bisa at mistulang paglabag sa Local Government Code Section 52(D) ang ginawang pagpapasa ng Dagupan City Council noong April 27 ng isang resolusyong nagbibigay ng kapangyarihan kay Mayor Benjamin Lim na ipagbili ang dalawang mamahaling ari-arian ng lungsod.
Ito ang tahasang sinabi ni Department of Interior and Local Government Director III Jesus Doque IV bilang sagot sa request for clarification ni Dagupan Vice Mayor Belen “BF” Fernandez ukol sa kuwestiyonableng Sangguniang Lungsod resolution na nagsasabing maaaring ibenta ni Lim ang McAdore International Palace at ang malaking iskwater relocation site sa Brgy. Talibaew, Calasiao, na nakatitulo sa lokal na pamahalaan.
Sa kanyang liham sa DILG, sinabi rin ni Fernandez na kaduda-duda ang apurahang pagpapatibay ng nasabing resolusyon dahil ito ay idinaos habang siya ay nasa Estados Unidos upang tumanggap ng dalawang parangal sa mga samahan ng Dagupenyo.
Sa kanyang paliwanag, sinabi rin ng DILG director na ang resolusyon ay maaari lamang gamitin sa pagpapasimula ng negosasyon sa pagbebenta ng dalawang ari-arian kung saan kailangan ng panibagong pahintulot ng konseho sakaling may bentahan.
Samantala, binigyang-diin naman ni Fernandez na maghahain siya ng kasong graft laban kay Lim at sa siyam na konsehal na lumagda sa resolusyon kaugnay sa sinasabing tangkang panlilinlang sa mga residente.
Ani Fernandez, hindi umano kailangan ng Dagupan ng dagdag na pondo para sa mga proyekto at imprastraktura dahil katatapos lamang aprubahan ng Sangguniang Bayan ang P600 milyong pondo para sa 2012.
- Latest
- Trending