Manila, Philippines - Dahil sa matinding selos, napatay ang 65-anyos na lola matapos itong paghahampasin ng matigas na kahoy ng kaniyang mister sa Barangay Cuambogan, Tagum City, Davao del Norte kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ang nasawing biktima na si Neria Busano na nagka-internal hemorrhage partikular na sa bahagi ng ulo.
Ang biktima ay natagpuan ng kanilang kasambahay sa ibabaw ng kama ilang oras matapos paslangin ng asawa nitong si Florencio Busano, 65.
Batay sa ulat ng Davao del Norte PNP na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa tahanan ng mag-asawa sa Purok Sto. Niño.
Sa presinto, matapos makonsensya ay sumuko ang suspek na inaming pinaslang niya ang kaniyang maybahay matapos na magdilim ang paningin sa panibugho.
Nabatid na may nagsumbong kay lolo na isa sa kanilang mga kapitbahay na may nagugustuhan itong guwapo at batang lalaki kung saan lalo pang tumindi ang selos nito dahil laging nakapustura ang lola.
Nang umuwi ay hinagilap ng nasabing lolo ang matigas na kahoy at pinaghahampas ang natutulog nitong misis kung saan hindi na nagising.
Nahaharap sa kasong parricide ang suspek habang humihimas ng rehas na bakal sa detention cell ng Tagum City Police.