QUEZON, Philippines - Aabot sa P 3 milyong halaga ng ari-arian ang naabo matapos na masunog ang gasolinahan, tindahan at computer shop sa Barangay Mayao Parada, Lucena City, Quezon noong Lunes ng umaga.
Sa police report, dakong alas-6 ng umaga ng masunog ang gasolinahan na pag-aari ni Carlito Cantos, 57.
Isinugod naman sa Quezon Medical Center ang sugatang gasoline boy.
Ayon sa imbestigasyon, isinaksak ng gasoline boy na si Amando Jamito ang electric pump malapit sa isa sa gasoline tanks na nag-spark hanggang sa pagmulan ng apoy.
Mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa nasabing gasolinahan at maging sa mga panindang LPG, fertilizer, feeds, iba pang commercial products at 22 yunit ng computer.
Nasunog din ang agricultural supply store at computer shop na katabi ng gasolinahan na pag-aari rin ni Cantos kung saan naapula naman ang apoy dakong alas- 6:55 ng umaga.
Gayon pa man, walang sinisisi sa nangyari si Mang Carlito subalit nalulungkot sila at nanghihinayang sa mga nasunog.Tony Sanodval at Michelle Zoleta