Manila, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa Army officer habang tatlong sundalo naman ang nasugatan matapos masabugan ng landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa national highway ng New Bataan, Compostela Valley noong Biyernes ng gabi. Ayon sa tagapagsalita ng Army’s 10th Infantry Division na si Lt. Col. Lyndon Paniza, kinilala ang nasawi na si Lt. Rodel Daguio na naisugod pa sa Montevista District Hospital. Sugatang naman sina Pfc Richie Ursal, S/Sergeant Arnold Pacino at Corporal Jaime Clara. Ang mga biktima ay lulan ng KM450 military truck at pabalik na sa himpilan ng Army’s 66th Infantry Battalion nang sumambulat ang landmine sa highway ng Barangay Bantacan may 300 metro ang layo sa eskuwelahan sa New Bataan. Ayon kay Army’s 10th Infantry Division Chief Major Gen. Ariel Bernardo ang paggamit ng landmine ng rebelde ay direktang paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and the International Humanitarian Law.