TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Dalawang tauhan ng Bureau of Fire Protection ang iniulat na nasawi matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa magkahiwalay na lugar sa Ilocos Sur kamakalawa.
Kinilala ni PO2 George Cauilan, imbestigador ng PNP Tuguegarao City ang unang napatay na si SFO1 Eleazar Narag, 43, nakatalaga sa Bureau of Fire Protection (BFP) regional office sa Tuguegarao City.
Nagmomotorsiklo si Narag sa bisinidad ng Caritan Centro, ilang metro lamang ang layo sa himpilan ng fire department nang lapitan at ratratin.
Samantala, blangko rin ang imbestigasyon ng pulisya matapos paslangin ang isa pang fireman na si SFO3 Teddy Fariñas, hepe ng BFP sa bayan ng Masingal.
Papauwi sana ang biktima sakay ng kotse nang pagbabarilin ng tandem sa Barangay Barbarit, Masingal.
Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan ang krimen sa puwesto ni Fariñas bilang pangulo ng Tricycle and Drivers Association sa Barangay Carig.