CEBU CITY, Philippines – Umaabot sa 41 mag-aaral mula sa Totolan Elementary School sa bayan ng Dauis sa Panglao island ang nalason matapos kumain ng jatropha seeds (tuba-tuba) noong Biyernes.
Kabilang sa mga nalason sa tuba-tuba na karamihan na Badjao ay 23 lalaki at 13 batang babae na pawang Grades 1 at 4 kung saan nagreklamo na sumakit ang tiyan at nagsuka sa loob ng klasrum.
Nabatid na nagkatuwaan ang mga biktima na manguha ng bunga ng jetropha sa likuran ng eskuwelahan.
Nang bumalik sa klasrum ay napansin ng ilang guro na namimilipit sa sakit ng tiyan at nagsusuka ang mga mag-aaral na kumain ng tuba-tuba.
Dito na humingi sa kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan na dalhin sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran City ang mga biktima.
Kinagabihan, limang iba pa ang isinugod sa Gallares Hospital. Freeman News Service