P.8-M reward sa killers ng bokal
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines - Naglaan ng pabuyang P800,000.00 sina Laguna Governor ER Ejercito at San Pablo City Mayor Vicente Amante para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaresto ng mga pumaslang kina Laguna 3rd District board member Reynaldo Paras at driver-bodyguard nitong si Giovanni Dumaraos sa San Pablo City kamakalawa. Ang pabuya ay nagbunsod matapos sampahan ng kaso nina Senior Superintendent Gilbert Cruz, Laguna Police Director ang mga suspek na nakilalang sina Eugene Bacoto, 25, Ricky Valdez alias “Avatar” at isang “Boknoy”, pawang mga residente ng Dasmariñas, Cavite. Ang tatlong suspek ay ang itinuturong responsable sa pagpatay kina Paras at Dumaraos matapos tambangan ang mga ito sa Bonifacio St., Barangay 7-C, San Pablo City noong Miyerkules ng gabi na ngayo’y tinutugis na ng mga awtoridad. Dead-on-the-spot si Dumaraos matapos magtamo ng mga tama bala ng baril sa kanyang katawan samantalang namatay naman habang ginagamot sa San Pablo Medical Center si Paras noong Huwebes. Samantala, namatay naman ang suspek na si Bacoto kahapon sa ospital matapos mabaril ni Paras nang maganap ang ambush. Sa panayam kay San Pablo Chief of Police Superintendent Ferdinand De Castro,kumakalap pa sila ng mga ebidensya laban sa anak ng isang pulitiko sa Laguna na posible umanong may kinalaman sa pagpatay kina Paras.
- Latest
- Trending