MANILA, Philippines – Patay ang isang driver ng bus at konduktor nito matapos ratratin ng hindi pa nakilalang armadong salarin sa loob ng pampasaherong bus na ipinapasada ng mga ito sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Kapwa dead-on-the-spot ang mga biktimang sina William Balce, driver ng Santrans bus at konduktor nitong si Ernel Toriña matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ni Supt. Marcos Rivero, hepe ng San Jose del Monte City Police, dakong alas-11 ng gabi ng maganap ang insidente matapos na pansamantalang huminto sa Sampol market ang bus upang magbaba ng mga pasahero.
Bigla na lamang umanong pumasok sa loob ng bus ang armadong suspek na agad pinagbabaril ang konduktor at isinunod ang driver saka mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Ang gunman ay mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo na ipinarada nito malapit sa crime scene.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay personal na alitan ang sinisilip nilang motibo sa krimen.