Army cache ng MILF ni-raid
MANILA, Philippines - Iba’t ibang uri ng armas, bala at pampasabog ang nasamsam ng pinagsanib na operatiba ng pulisya at militar matapos salakayin ang arms cache ng isa sa mga lider ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Malita, Davao del Sur kahapon ng umaga.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-5 ng umaga nang lusubin ng mga operatiba ng lokal na pulisya at ng 102nd Division Reconnaissance Company ng Philippine Army ang bahay ng suspek na si Ghalib de la Cruz sa Barangay Fishing Village sa nabanggit na bayan.
Isinagawa ang pagsalakay base sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Carmelita Davin ng 11th Judicial Region.
Nasamsam sa operasyon ang isang Barret 50 caliber sniper rifle, dalawang rocket propelled grenade launchers, dalawang RPG propellers, dalawang RPG fillers, 13 rounds ng 50 caliber bullets, tatlong cellphone at iba pa.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 8294 o illegal possession of firearms si de la Cruz na isinailalim na sa kustodya ng pulisya.
- Latest
- Trending