Manila, Philippines - Pito katao ang nasawi samantalang tatlo naman ang grabeng nasugatan makaraang aksidenteng suwagin ng isang rumaragasang 10 wheeler truck ang isang bahay at sari-sari store sa tabi ng national highway, Brgy. IV, San Francisco, Agusan del Sur kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Chief Inspector Floriano Ravelo, hepe ng San Franciso Police, kabilang sa mga nasawi ay sina Faustino Doce, 62 anyos, may-ari ng sari-sari store; Danilo Suan, 55; Samuel Arayan, 31, security guard ng Davao Central Warehouse –San Francisco Branch at apat na iba pa na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Ravelo, si Doce ay dead-on-the-spot matapos na halos mapisak ang katawan ng suwagin ng truck ang sari-sari store nito habang binawian naman ng buhay sa D.O. Plaza Memorial Hospital sa Prosperidad, Agusan del Sur sina Arayan at Suan.
Ayon sa opisyal ang iba pa sa mga biktima ay binawian naman ng buhay matapos ang mga itong ilipat sa mga hospital sa mga lungsod ng Davao at Butuan sanhi ng grabeng tinamong mga sugat sa katawan. Ang tatlo pang mga sugatan ay patuloy namang nilalapatan ng lunas.
Base sa imbestigasyon, dakong alas- 12:15 ng tanghali habang kasalukuyang bumabagtas ang Isuzu truck na may temporary plate number 7C-7983 na nakarehistro sa isang Fernando Tambis na minamaneho ng driver na hindi nakuha ang pangalan ng mangyari ang sakuna sa nasabing lugar.
Ayon sa mga awtoridad, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng truck matapos itong masiraan ng preno kung saan tuluy-tuloy na sinuwag ang bahay at isang tindahan sa tabi ng highway sa harapan ng Davao Central Warehouse –San Francisco Branch sa lugar.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito at naglunsad na rin ng malawakang manhunt operations laban sa driver ng truck.