MANILA, Philippines - Ginulantang ng malakas na pagsabog ang tahanan ng isang pamilya na malubhang ikinasugat ng mag-asawa at anak na 4-anyos na batang babae sa naganap na insidente sa bayan ng Pagbilao, Quezon kamakalawa.
Isinugod sa Jane County Hospital ang mga biktimang sina Armando Velasco, 39; misis nitong si Marife Velasco, 39; at si Julie Anne Velasco na pawang nakatira sa Sitio Villarica sa Barangay Daungan.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang alas-4:45 ng hapon nang mangyari ang pagsabog sa loob mismo ng tahanan ng pamilya Velasco.
Sa imbestigasyon ng pulisya, inaayos ni Marife ang mga junk material na ibebenta nito sa junkshop gamit ang martilyo nang bigla na lamang sumabog ang isa sa mga pinupukpok nitong battery pack material.
Nagkataon namang katabi ng misis ang kaniyang mag-ama kaya pawang nasugatan ang mag-anak sa insidente.