Pulis, 2 pa nalunod

BATANGAS, Philippines  – Tatlo-katao kabilang ang isang pulis ang iniulat na namatay sa naganap na pagkalunod sa magkahiwalay na bayan sa Batangas, kamakalawa. Kinilala ang mga biktima na sina P/Senior Insp. Renato Samson, 36, PNP personnel na nakatalaga sa  San Juan City police station; Artemio Salabit, kawani ng EEI Corporation; at si Rustico Balog, 56, negosyante, ng Barangay Dagatan, Taysan, Batangas.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director, nalunod sa dagat si Samson malapit sa dalampasigan ng Barangay Ligaya, Mabini, Batangas.

Samantala, nalunod din si Salabit habang naliligo kasama ang mga katrabaho nito EEI Corp. sa may shoreline ng Barangay Bucana sa bayan ng Nasugbu, Batangas noong Linggo ng madaling araw.

Natagpuan naman ang bangkay ng negosyanteng si Balog sa ilog ng Sitio Conde sa Barangay Sto. Niño, Taysan, Batangas bandang alas- 9:30 ng umaga ng Linggo.

Patuloy naman ang imbestigasyon para malaman kung may foul play sa naganap na insidente.

Show comments