QUEZON, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 34-anyos na mangingisda matapos saksakin at gilitan ng nakaalitang magsasaka sa Barangay 5 Poblacion sa bayan ng Quezon, Quezon kamakalawa ng hapon.
Patay agad sa crime scene ang biktimang si Rosaleo Doctor habang naaresto naman ang suspek na si Arnel Llaneta, 37, kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon nina PO2 Kendrick Rey Pumarada at PO1 Lloyd Fortunado, mahimbing na natutulog ang biktima sa kubo nang pasukin at saksakin ng suspek.
Hindi pa nasiyahan ay mistulang manok pa itong hinawakan sa buhok saka ginilitan.
Tatakas sana ang suspek subalit namataan ito ng taumbayan kaya pinagtulungan itong arestuhin. Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na may matagal nang alitan ang dalawa na kapwa nagbabantaan.