Food poisoning: 70 katao naratay
BALANGA CITY, Bataan, Philippines – Umaabot sa 70 katao na karamihan ay mga bata ang nalason matapos kumain ng ice cream sa Brgy. Cabog-Cabog, sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Idineklara namang nasa maayos ng kalagayan matapos na maagapan ang mga biktima na isinugod sa Bataan General Hospital.
Sa pahayag ni Brgy. Chairman Efren Zaraga ng nasabing lugar, dakong alas-2 ng hapon habang nagsasagawa ng Brigada Eskuwela ang mga bata, ilang mga magulang at mga guro sa kanilang paaralan nang mapadaan ang dalawang vendor na naglalako ng ice cream kaya nagbilihan ang mga ito sanhi ng sobrang init.
Gayunman matapos makain ang ice cream ay nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan, ulo, pagsusuka at grabeng pagdudumi ang mga biktima kaya isinugod ang mga ito sa pagamutan. Isinailalim naman sa kustodya ng Balanga City Police ang dalawang ice cream vendor na sina Roel Biato at Raffy Lobaton bunga ng insidente.
- Latest
- Trending