MANILA, Philippines - Bumulagta ang mag-asawa habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ng sundalo ng Army Scout Ranger na nag-amok sa Palmera Homes, Barangay Kaypian, San Jose del Monte City sa Bulacan kahapon ng madaling araw.
Napuruhan sa dibdib ang mag-asawang Vicente, 35, factory supervisor at Morena Sinugbuan habang nakikipaglaban naman kay kamatayan sina Jennifer Horario, 17; at Melanie Cueras, 67.
Samantala, tugis naman ng pulisya ang suspek na si Pfc Maximo Pasquing.
Sa ulat ni PO1 Danilo Atabay na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na
Nagalit si Pasquing sa kaniyang bayaw dahil ibinenta ang kanyang baril sa mag-asawa kaya pinuntahan nito ang pamilya ng mga biktima para kunin ang nasabing baril.
Nauwi sa mainitang pagtatalo ang suspek at mag-asawa at nang maramdaman ang panganib ay agad umanong binunot ng suspek ang kaniyang cal. 45 pistol kung saan pinaputukan ang mga biktima.
Sa bersyon naman ng ilang kapitbahay ng mag-asawang Sinugbuan ay ipinagtanggol lamang ni Pasquing ang sarili matapos itong tangkaing tagain ni Vicente na napundi sa sundalo na binabawi ang naibentang baril.
Matapos ang pamamaril ay nakipagbarilan pa ito sa pulisya na lulan ng apat na mobile car na rumesponde sa crime scene pero nagawa pang makatakas.
Nabatid na ang nasabing sundalo ay nakatalaga sa Basilan na sinasabing sumasagupa sa mga bandidong Abu Sayyaf Group at umuwi lamang sa Bulacan matapos itong payagang magbakasyon ng kaniyang commanding officer.
Sa pahayag naman ni Captain Gerald Pensona, commanding officer ng Army’s 12th Scout Ranger Company na kinabibilangan ni Pasquing na isa itong disiplinadong sundalo.
“I have no problems with him. He is a well-disciplined soldier who performs his duties very well. I was surprised by this incident. I allowed him to go on rest and recreation which will end on May 25,” ayon pa kay Pensona.