Jailbreak: 3 preso pumuga

TAGBILARAN CITY, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang mga opisyal at guwardiya ng Bohol District Jail sa Cabawan district sa Tagbilaran City makaraang makapuga ang tatlong preso kamakalawa.

Kinilala ni SGO4 Christopher Gablines ang tatlong pugante na sina Exequiel Aniscal, 50, ng Barangay San Vicente, Maribojoc; Brian Ceniza, 23, ng Barangay Napo, Inabanga; at si Mario Ylaya, 23, ng Barangay Tambuan, Carmen.

Si Aniscal ay nahaharap sa kasong robbery with homicide habang si Ceniza ay nahahrap naman sa illegal possession of firearms, murder, carnapping at highway robbery samantala, si Ylaya naman ay nahaharap sa kasong robbery with intimidation of person.

Ayon sa ulat, sinamantala ng tatlo ang rehearsal para sa graduation ng alternative learning program noong Huwebes kung saan nakatakda ang schedule ng visiting.

Base sa footage ng CCTV camera, lumilitaw na kumalas ang tatlo sa compound at nagtungo sa sentinel area sa Gate 6 kung saan nagbabantay ang apat na jail officer.

Tinutukan ng baril ni Aniscal si Jail Officer 1 Jose Jomar Torreon saka kinuha ang cal. .45 caliber service firearm kung saan tinungo naman ang Gate 2 saka kinuha ang cal.9mm service firearm ni Senior Jail Officer 3 Menard Bompat.

Sa labas ng kulungan ay ginamit na getaway ang motorsiklo na nakaparada sa labas kung saan iniwan ang susi nito.

Sa beripikasyon ng pulisya, lumilitaw na ang motorsiklo na ginamit bilang getaway ay pag-aari ni Michael Manzano ng Purok 7 sa Barangay Tawala, Panglao kung saan nasa logbook na bumisita ito bago pa naganap ang jailbreak.

Samantala, kasama sa iimbestigahan ay si Provincial Jail Warden Reynan Torreon dahil sa command responsibility, ayon kay Provincial Administrator Alfonso Damalerio II . Freeman News Service

Show comments