Jeepney nag-dive sa bangin:11 dedo

MANILA, Philippines - Umaabot sa Labing-isa katao ang iniulat na nasawi habang sampung iba pa ang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong jeepney sa 150 me­trong lalim na bangin sa bayan ng Bontoc, Mt. Province kamakalawa ng hapon. 

Kabilang sa mga nasawi ay sina Sherleene Benis, Maryanne Camfoli, Chuwarey Arokod, Jonalyn Sallongen, Teresa Aronchay, Chagon Chamkas, Adelene Domakyon, Helen Lachika, Chanda Chamkas, Delia Sumilao, at si Melvin “Po­king” Aronchay.

Patuloy namang ginagamot sa Bontoc General Hospital ang mga nasugatang sina Jessica Sumilao, 10; Myrna Lapa-an, 23; Isagani Falisong, 13; Zenia Maskay, 14; Luisa Waking, 34; Rachel Lapa-an, 21; Jacquline Banganan, 48; Abraham Mang-osan, Jane Falisong, 33; at si Stevensol Paraan.

Nakaligtas sa trahedya sina Nestor Maskay Jr, Jackson Banganan at ang dalawang Army personnel na pawang hindi naman nasugatan.

Batay sa ulat ni P/Chief Supt. Benjamin Magalong, Cordillera PNP director na nakarating sa Camp Crame, naganap ang trahedya sa highway ng Sitio Amacho, Bontoc Ili kung saan may lulang 25 pasahero ang jeepney (ACZ135) na minamaneho ni Antonio Dulawan, 36.

Napag-alamang overloaded ang jeepney na pag-aari ni Ruben Piska dahil sa dami ng mga kargang bagahe sa bubungan nito.

Dahil sa naglaglagan mula sa bubungan ang ilang bagahe ng mga pasahero habang pababa ang jeepney ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver  matapos humarang sa gulong ng sasakyan ang mga karga nito.

Dito na nagtuluy-tuloy na nahulog ang jeepney sa may 150-metrong lalim na bangin kung saan nakaabang si kamatayan sa mga biktima.

Kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at physical injuries ang kakaharapin ng driver. Dagdag ulat ni Artemio Dumlao

Show comments