MANILA, Philippines - Apat-katao kabilang ang tatlong tinedyer ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang malubhang na sugatan matapos sumabog ang napulot na granada sa Hinipaan Falls sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caraga PNP spokesman P/Supt. Martin Gamba ang mga biktima na sina Joselito Nonong, 19; Michael Ambus,17; at si Nelbert Banog, 15.
Samantala, ang ikaapat na biktima na si Aiko Mae Nonong, 12, ay namatay habang isinusugod sa Lingig Community Hospital.
Habang nakikipaglaban kay kamatayan sa Bislig City Hospital sina Camille Orillo,11; at si Jake Jay Orillo, 13.
Lumilitaw na habang nagkakatuwaang maligo sa Hinipaan Falls ang grupo ng mga kabataan sa Sitio Hinipaan, Brgy. Poblacion nang matagpuan ng isa sa mga biktima ang granada.
Sa pag-aakalang maliit na bolang bakal ang granada ay pinaglaruan ito ng mga biktima na mistulang bola na pinagpasa-pasahan.
Dito na nabitiwan ng isa sa mga biktima ang granada na natanggalan ng safety pin saka sumabog matapos tumama sa bato.
Pinaniniwalaan namang naiwan ang granada ng mga rebeldeng New People’s Army na napagawi sa nasabing lugar.