5 hired killer utas sa shootout
MANILA, Philippines - Limang kalalakihan na sinasabing miyembro ng gun-for-hire gang ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga security escort ng Polie Provincial Police Office ng Abra sa bayan ng Lallo, Cagayan noong Lunes ng hapon.
Sa phone interview, sinabi ni P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia, naganap ang engkuwentro sa highway ng Barangay San Lorenzo dakong alas-4:30 ng hapon.
Dalawa sa mga napatay ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang identification card na sina Michael Marquez Bermudez, 33, ng Ambiong, Barangay Aurora, Baguio City; at Nomer Biendima Fontanos, 30, ng Lingsad, Pennarubiua, Abra na pawang natukoy na mga notoryus na gun for hire sa Abra at may mga nakabinbing kaso.
Base sa ulat, bumabagtas ang sasakyan ni Abra PNP Office Director P/Sr. Supt. Alexander Rafael nang mapansin nito ang berdeng Toyota Corona (ABE 488) na sinusundan ang kanilang sasakyan simula pa sa bayan ng Narvacan, Ilocos Sur hanggang Allacapan, Cagayan.
Pabalik na sana sa Abra ang grupo ni Rafael nang maramdaman ang panganib kaya inutusan nito ang kaniyang mga security escort na harangin ang sasakyan at alamin kung bakit sila sinusundan simula pa noong Lunes.
Gayon pa man nang parahin para sitahin ay agad na pinaputukan ang mga escort ni Rafael na nauwi sa shootout kung saan tumagal ng ilang minuto bago bumulagta ang limang lalaki.
Narekober sa encounter site ang dalawang M16 armalite rifles, cal. 45 pistol, apat na cellphone at mga bala.
Napag-alamang bibisitahin ni Rafael ang kanyang pamilya sa Tuguegarao City sa Cagayan nang maganap ang insidente.
Sa tala ng PNP, ang Abra ay kilala sa operasyon ng gun-for-hire at private armed groups. Dagdag ulat nina Raymund Catindig at Artemio Dumlao
- Latest
- Trending