Sekyu sa DFA-7 dakma sa extortion
CEBU CITY, Philippines – Nagwakas ang modus operandi ng 35-anyos na security guard na nakatalaga sa Department of Foreign Affairs-7 sa Mandaue City matapos maaresto ng pulisya sa inilatag na entrapment operation noong Huwebes ng gabi sa kasong pangingikil at pagnanakaw ng pasaporte.
Pormal na kinasuhan ang suspek na si Arnold Pepito, may asawa at nakatira sa Barangay Alang-Alang sa Mandaue City, at kawani ng N.C. Lanting Security Agency.
Base sa police report, si Stephani Lobiano, 27, asawa ng Koreano ay nagtungo sa DFA officials upang beripikahin ang kanyang passport kung orihinal o peke.
Si Lobiano ay kinausap ng suspek para mapabilis ang pagpapalabas ng kanyang pasaporte sa halagang P1,500.
Ayon sa hepe ng pulisya na si P/Senior Insp. Wilson Abot, nagagawang maipuslit ng suspek ang ilang passport at nagbibigay sa may-ari kahit na wala sa panahon na mai-release sa nasabing ahensya.
Dahil sa impormasyong nakuha ni DFA-7 director Elias Balawag mula kay Lobiano, kaagad na nakipag-ugnayan kay MCPO director P/Senior Supt. Noel Gillamac kung saan inilatag ang entrapment operation.
Naaresto ang suspek sa loob ng grocery area kung saan nasa ground floor ang opisina ng DFA habang tinatanggap ang P3,000 kapalit ng dalawang pasaporte ni Lobiano at sa kanyang anak.
- Latest
- Trending