Gapo PNP director kinasuhan sa Camp Crame
MANILA, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin si Olongapo City PNP director P/Senior Supt. Christopher Tambungan matapos itong ipagharap ng kasong grave threats, grave coercion, grave oral defamation sa Camp Crame, Quezon City.
Ang kaso vs Tambungan ay pormal na inihain sa PNP- Complaint and Referral Action Center ni Randy Datu, correspondent ng Pilipino Star NGAYON na nakabase sa Olongapo City.
Bukod dito, ilan pa sa mga sinasabing dumanas ng pangha-harass at pananakot ni Tambungan ang sumama rin sa pagsasampa ng reklamo sa Camp Crame na kinabibilangan nina Kagawad Willy Avila, Kagawad Genaro Fermales Jr., Carolyn Miranda at ang negosyanteng si Florencio Banar.t
Sa sinumpaang salaysay ni Datu, naganap ang insidente sa kasagsagan ng hostage crisis sa Barangay West Bajac-Bajac noong Martes ng gabi (Abril 3).
Ayon kay Datu, nagtungo siya, kasama ang mga kapwa niya mamamahayag matapos na patawagan ni Tambungan sa isa nitong tauhan na ipina-cover ang insidente sa kahilingan na rin ng hostage-taker.
Habang nagbibigay ng instraksyon sa mga pulis si Tambungan ay sinigawan siya nito,-“Hoy! ikaw sino ka?,” kung saan mahinahon naman niya itong sinagot ng “Si Randy Datu po ako ng Pilipino Star NGAYON na nagko-cover ng hostage taking”.
“Putang ina ka, hindi ka kailangan dito, umalis ka rito,” dagdag pa ni Tambungan at itinaas ang kamay na akmang sasampalin si Datu pero hindi nito itinuloy sa halip ay hinawakan ito sa balikat at itinulak palabas ng gate ng compound na muntik nang mapasubsob sa kalye.
Kumalat naman ang ulat ng pangha-harass sa buong hanay ng mamamahayag kung saan kinondena ng International Federation of Journalist (IFJ) sa pangunguna ni IFJ Asia Pacific Director Jacqueline Park.
Samantala, nagkaisa naman ang National Union of Journalist-Olongapo City-Subic Bay Chapter, Alab ng Mamamahayag at National Press Club sa pagtuligsa kay Tambungan sa pangha-harass kay Datu.
Kasabay nito, hiniling ni Datu at ng mga supporter nito kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang patas na imbestigasyon, hustisya at agarang aksyon laban kay Tambungan.
Bukod sa PNP ay pormal na ring naghain si Datu ng reklamo laban kay Tambungan sa Ombudsman.
“I am not doing this for my own sake but to teach him (Tambungan) a lesson, it could happen to anyone of us my fellow colleagues in the media… in the spirit of fair play and objectivity, let us fight for any violation on human rights and harassment in relation to news coverage,” ani Datu.
- Latest
- Trending