US speedboat vs bangka; mangingisda patay
MANILA, Philippines - Isang mangingisda ang nasawi habang sugatan naman ang anak nito makaraang aksidenteng magbanggan ang speedboat na sinasakyan ng mga sundalong Kano at ang isang bangkang pangisda noong Miyerkules ng gabi sa karagatan ng lalawigan ng Basilan, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Army’s 104th Infantry Brigade Commander Col. Ricardo Visaya ang nasawing bitkima na si Ahbam Juhurin, binawian ng buhay sanhi ng matinding sugat na tinamo sa ulo.
Idineklara namang out of danger ang 20 anyos nitong anak na lalaki na ngayo’y kasalukuyan pang nagpapagaling sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.
Bandang alas- 7 ng gabi nang maganap ang insidente sa pagitan ng karagatan ng bayan ng Maluso at Muhtamad habang pabalik na ang mga miyembro ng US Joint Special Operations Task Force (JSOTF) sa Zamboanga City kasama ang counterpart ng mga itong sundalong Pinoy galing sa Medical Civic Action Program (MEDCAP) sa Isabela City, Basilan .
Ang mga sundalong Kano kasama ang ilang sundalong Pinoy na nagsilbing escort ng mga ito ay nag-deliver ng mga gamot sa para sa mahihirap na residente ng Isabela City.
Sinabi ni Visaya na hindi umano nakita ng mga sakay ng nasabing speedboat ang bangkang pangisda ng mag-amang Juhurin dahilan wala itong ilaw na nagbunsod sa insidente.
Sa text message sa Defense Press Corps, sinabi naman ni US Embassy Spokesperson Tina Malone, isang aksidente ang trahedya at ipinaabot ang pakikiramay saka tulong pinansyal sa pamilya ng mag-amang biktima.Nilinaw rin ni Malone na hindi bahagi ng RP-US Balikatan joint military exercise ang insidente.
- Latest
- Trending