Anak ng may-ari ng resort, itinumba
CEBU CITY, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 39-anyos na anak ng may-ari ng resort makaraang ratratin sa loob ng kanyang sasakyan pagsapit sa hangganan ng Sitio Langub, Barangay Guadalupe at Sitio Oppra Unit 5, Barangay Kalunasan, Cebu City, Cebu kamakalawa ng hapon.
Napuruhan sa ulo si Antonio Santos matapos pagbabarilin ng kanyang kasamang pasahero sa Honda CR-V (YBH835).
Sa pahayag ni Land Transportation Office-7 director Raul Aguilos, ang plaka na ginamit sa sasakyan ng biktima ay para sa Hyundai Elantra model 2004 at nasa Eternal Cebu Excellence Motors kung saan nakarehistro sa LTO- Talisay City.
Ang biktima na anak ng may-ari ng Villa Teresita Resort sa Barangay Biasong, Talisay City ay kagagaling lamang sa Cebu City Jail sa Barangay Kalunasan nang makasalubong si kamatayan.
Kinumpirma naman ni Cebu City warden Johnson Calub na hindi bumisita si Santos sa kulungan dahil ang schedule ng pagbisita ay nakatakda sa tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo.
Subalit sinabi ni Calub na nagtungo si Santos sa nasabing kulungan noong Linggo para bisitahin si Ariel “Bobong” Degamo na sinasabing nahaharap sa kasong frustrated murder.
“The gunman waited for their vehicle to reach where his escape motorcycle was parked. The killing was well planned,” pahayag ni P/Senior Insp. Jul Mohammad Jamiri, hepe ng Cebu City Homicide Unit.
Narekober sa loob ng sasakyan ang deformed slug at basyo ng cal. 45 pistol two at dalawang bandel na tag-P1,000 na may kabuuang P73,000.
Natagpuan naman ang motorsiklo ng gunman na inabandona sa bahagi ng Justice Street kung saan sinasabing may tatlo pang lalaki na kasama ang killer na sumakay naman sa berdeng pick-up.
Base sa ulat ni P/Senior Insp. Jamiri, si Santos ay sangkot sa illegal games sa Cebu kung saan ito nadakma noong 1990s.
Nakatanggap din ng impormasyon ang pulisya na ang biktima ay sinasabing nawalan ng kayamanan sa Negros dahil sa illegal games operation.
“He (Santos) can no longer afford to pay the winnings of his patrons in Negros. It is possible that he was killed because of this,” dagdag pa ni Jamiri.
Makikipagtulungan naman sina Aguilos at Calub para maresolba ng pulisya ang brutal na krimen.
- Latest
- Trending