TUGUEGARAO CITY, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 16-anyos na dalagita na sinasabing hinalay saka binasag ang bao ng ulo at inabandona malapit sa paligid ng Provincial Capitol ng La Union sa San Fernando City kamakalawa. Wala pa rin opisyal na pahayag ang pulisya kung ang biktimang si Angel Joy Valdez ay inabuso muna bago pinatay subalit kahindik-hindik ang ginawa ng mga kriminal na binasag muna ang mukha ng dalagita saka iniwang patay sa compound. Nabatid na ang biktima ay 2nd year high school student sa La Union National High School at nakatira sa Barangay Pagdaraoan, San Fernando City. Ayon sa ina ng biktima na si Nenita Valdez, 55, nagpaalam sa kanya ang kanyang dalagita upang magpintura ng upuan sa kanilang silid-aralan gayong bakasyon na. Itinanggi rin ng mga awtoridad sa Kapitolyo na may kinalaman ang mga guwardiya sa naganap na krimen.