PSN reporter hinaras ng Gapo PNP director
MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kaso ng reporter ng pahayagang ito ang police director sa Olongapo City dahil sa pangha-harass matapos ang coverage sa hostage-taking kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Sa sinumpaang salaysay ni Randy Datu, correspondent ng Pilipino Star NGAYON sa Olongapo City, naganap ang pangha-harass sa kanya ni P/Senior Supt. Christopher Tambungan noong gabi ng Abril 3.
Ayon kay Datu, bilang tawag ng kanyang tungkulin, agad siyang rumesponde sa bahagi ng Arthur Street sa Barangay West Bajac-Bajac dakong alas-10:30 ng gabi ng matapos mabatid na may nagaganap na hostage-drama.
Aniya, habang sinusubaybayan ng local media ang negosasyon sa pagitan ng mga pulis at rescue team ang insidente ay hiniling mismo ng hostage-taker na makausap ang isang reporter o kagawad ng media.
Bunsod nito, isang pulis-Gapo ang lumapit at tumawag sa mga nagkokober na reporter mula sa direktiba ni Tambungan kaya tumugon naman sina Datu, Jeff Callos ng dzMM, Julie Sionzon ng GMA7 network, at Johnny Reblando ng dzXL.
Sinabi ni Datu na habang nakikinig sila ng kanyang kasamahan ay laking gulat niya ng galit-na-galit na pinagsisigawan siya ni Tambungan sa hindi malamang kadahilanan.
“Hoy, ikaw! Anong pangalan mo!?” sigaw ni Tambungan kay Datu.
Magalang umanong nagpakilala si Datu kay Tambungan subalit muli siyang pinahiya at sinabing “Anong papel mo rito!?”
Dahil dito, sinabi ni Datu na reporter siya ng PSN at nagkokober sa hostage-drama subalit bigla siyang pinagsisigawan, pinagmumura at itinaboy sa lugar bagay na hindi dapat makita sa isang opisyal ng pulisya.
“Hindi ka kailangan dito. Lumabas ka dito!” galit na galit na sambit ni Tambungan saka inambahan ng suntok.
Itinulak pa umano si Datu ng nasabing opisyal at muntik na mapasubsob sa lupa nang kaladkarin palabas sa nasabing compound.
Magugunita na pinagbantaan na rin ni Tambungan ang PSN reporter na si Alex Galang matapos lumabas sa nasabing pahayag ang lumalalang prostitusyon sa Olongapo City kung saan inakusahan pa si Galang na financier ng pasugalan sa kanilang barangay.
- Latest
- Trending