Guro todas sa adik; kapatid, pinsan hinostage

MANILA, Philippines - Patay ang isang guro matapos pagbabarilin ng nag-amok na hinihinalang bangag sa droga bago nang-hostage rin ng kaniyang kapatid at pinsan sa Dasmariñas City, Cavite sa  sampung oras na hostage drama nitong Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng madaling araw.

Sa ulat ni Supt Ulysses Cruz Sr., hepe ng pulisya dito ang nasawing biktima na si Delma Saldaña, 46 anyos isang tutor ay napuruhan ng tama ng bala ng cal.45 pistol sa mukha.

Nahaharap naman sa kasong murder at 2 counts ng frustrated parricide ang suspect na si Nasser Aswani Landua na hinostage rin ang kapatid na lalaking si Alih Salip Arobinto, 32 at pinsang si Sanay Pacol Sarep.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente pasado alas-5 ng hapon kamakalawa sa labas ng tahanan ng suspek sa Brgy. Datu Esmael ng nasabing lungsod.

Bandang alas-7 ng gabi ng magresponde sa lugar ang mga awtoridad habang  kasalukuyang hostage pa ng suspek ang dalawang biktima kung saan ay binaril nito sa tiyan si Pacol at sa paa naman si Arobinto ng kapwa tangkain ng mga itong tumakas. Tumagal ang pangho-hostage hanggang alas-3 ng madaling araw nitong Biyernes kung saan ang negosasyon ay inabot ng 9 oras.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na agad dinaluhan ng mga awtoridad.

Sumuko naman ang suspek sa mga awtoridad bitbit ang baril nito na ginamit sa pag-aamok. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments