MANILA, Philippines - Lima-katao ang kumpirmadong nasawi habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan matapos salpukin ng cargo truck ang multicab van sa national highway ng Koronadal City, South Cotabato kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa nasawi ay ang driver ng multicab na si Joel Alvarez, 32, na binawian ng buhay sa South Cotabato Provincial Hospital at apat nitong pasahero na sina Maria Jane Farochilin, 43; Carlo Farochilin, 16; Ramonchito Dollete at si Domingo Farochilin.
Patuloy namang ginagamot sa South Cotabato Provincial Hospital ang malubhang nasugatan na sina Relvin Nolasco at isa pang hindi natukoy na driver ng motorsiklo.
Ayon kay P/Senior Supt. Randolph Delfin, South Cotabato PNP director, pasado alas-4 ng madaling araw nang maganap ang trahedya sa kahabaan ng national highway sa Purok Pag-asa, Barangay Carpenter Hill.
Lumilitaw na umiwas ang prime mover truck (MWD 195) sa sinusundang motorsiklo pero nasalpok naman ang kasalubong na multicab van (MDW 135) na patungong Tacurong City.
Nasa kustodiya na ng Koronadal PNP ang truck driver na si Juanito Villaran matapos itong masakote ng pulisya.