CAMARINES NORTE ,Philippines – Tinatayang aabot sa P10 milyong ari-arian ang nalimas matapos looban ng mga di-kilalang kalalakihan ang tatlong pawnshop sa Daet Elevated Plaza, Vinzons Avenue sa bayan ng Daet, Camarines Norte kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa hepe ng Scene of the Crime Operatives na si P/Chief Insp. Grace Gorospe, kabilang sa mga pinasok at niloobang bahay-sanglaan ay ang Cariñosa Pawnshop, 14K at Nalisbitan Pawnshop na pag aari ni Oscar Aspe, at ang Wiltran Pawnshop na pag aari naman ni William Tan.
Ayon sa ulat, nilooban ang tatlong pawnshop sa pamamagitan ng pagdaan sa masukal na imburnal mula sa Daet River patungo sa mga nabanggit na bahay-sanglaan.
Narekober naman ng pulisya ang tangke ng acetylene, ilang kahoy na pinaniniwalaang ginamit ng grupo sa pagnanakaw.
May palatandaan din mga minero ang nanloob sa tatlong pawnshop dahil sa estilo ng paghuhukay na sinasabing bihasa sa tunnel ng minahan.