MANILA, Philippines - Nalagasan ng apat na bandido ang grupo ng Abu Sayyaf matapos makasagupa ang tropa ng militar kung saan isa sa mga sundalo ang nasawi sa naganap na muling bakbakan sa kagubatan ng Sumisip, Basilan noong Huwebes.
Sa phone interview, sinabi ni Col. Ricardo Visaya, commander ng Army’s 104th Infantry Brigade, isang Private 1st Class ang iniulat na napatay habang ang mga nasugatan ay tinukoy lamang sa mga apelyidong Pfc Resultan, Pfc Subito at Pfc Sagaysay na pawang nakatalaga sa 4th Scout Ranger Battalion sa ilalim ni Lt. Col Armand Arevalo.
Ang apat na nasawing bandido na nakasagupa ng pinagsanib na puwersa ng Army’s 12th Scout Ranger Company at 10th src ay mula sa grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama.
Sumiklab ang bakbakan bandang alas-11 ng umaga sa kabundukan ng Barangay Baiwas sa bayan ng Sumisip.
Nagsitakas naman sa timog silangang bahagi ang mga bandido na nasabat naman ng blocking force ng 10th Scout Ranger Company habang bitbit ang mga bangkay ng kanilang apat na kasamahan kung saan muling nagkaputukan bandang alas-4:50 ng hapon.
Dito na nasugatan ang apat na sundalo ng Scout Ranger kung saan isa sa mga ito ang nasawi habang ginagamot.
Sa tala ng militar, ang Abu Sayyaf na namayagpag noong dekada ‘90 ay sangkot sa serye ng kidnapping for ransom, pamumugot sa mga bihag at mga sundalo, pambobomba at pananambang.