MANILA, Philippines - Apat-katao na ang naitalang nasawi habang aabot naman sa 558 ang dinapuan ng malalang sakit na typhoid sa ilang barangay sa bayan ng Tuburan, Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni Dra. Cristina Giango, pinuno ng Integrated Provincial Health Office, hanggang kamakalawa ay nasa 4-katao na ang namamatay sa pananalasa ng tipus sa walong barangay.
Sa inisyal na pagsusuri, lumilitaw na kontaminadong tubig ang pinagmulan ng bacterium Salmonella typhi kaya nagka- typhoid outbreak sa mga Barangay Marmol, Calangahan, Alegria at iba pa.
Ang mga pasyente na karamihan ay naka-confine sa Tuburan District Hospital at Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City ay nakakaranas ng mataas na lagnat, diarrhea, matinding pananakit ng ulo, kawalan ng ganang kumain at panghihina ng katawan.
Samantala, nagpadala na ng medical teams ang Central Visayas Office ng Department of Health upang maagapan ang pananalasa ng tipus.