Pasyente utas sa riot sa ospital
LEGAZPI CITY, Albay , Philippines – Hindi lamang sa bilangguan nagaganap ang kaguluhan, maging sa loob ng ospital ay sumiklab ang sinasabing riot kung saan napatay ang 51-anyos na pasyenteng lalaki makaraang pagtulungang gulpihin ng mga kabarong pasyente sa Bicol Medical Center Psychiatric Department sa Barangay Cadlan sa bayan ng Pili, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Bandang alas-4 ng hapon nang natagpuang patay sa strap room ang biktimang si Delvin Mora ng Barangay San Vicente Sur, Iriga City.
Samantala, ang mga suspek na pawang mga pasyante rin ay nakilalang sina Rico Janoras, 30, ng Sorsogon City; Manny Doronela, 31, ng Goa, Camarines Sur; Michael Hesenarioa, 26, ng Sorsogon City; Ivan Dimaiwat, 25, ng Pamplona Camarines Sur; at si Rogelio Reyes ng Camarines Norte.
Lumilitaw na sumiklab ang kaguluhan sa strap room ng nasabing ospital bandang alas-4 ng hapon kung saan mabilis namang humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan ang nakatalagang nurse na si Jesus Japson.
Dito na natagpuan ang duguang nakabulagta habang ang mga suspek naman ay nakatayo lamang na animo’y walang naganap na krimen.
Pansamantala namang dinala sa kulungan ang mga suspek kung saan ipinagbigay-alam sa pamilya ng biktima ang naganap na insidente.
- Latest
- Trending