Food poisoning; 32 pupils, principal naratay
MANILA, Philippines - Umaabot sa 32 Grade IV pupils at principal ng mga ito ang naratay sa pagamutan makaraang malason sa kinaing kamoteng kahoy sa bayan ng Buhi, Camarines Sur nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni Sr. Supt. Procopio Lipana, Provincial Police Office Director ng Camarines Sur, dakong alas- 4 ng hapon ng maganap ang insidente sa Sagrada Elementary School sa nasabing bayan.
Ayon kay Lipana ang nasabing kamoteng kahoy na kinain ng mga estudyante at ng kanilang principal na si Gng. Marilyn Fernandez, 60-anyos ay nahukay ng mga bata di kalayuan sa likuran ng kanilang paaralan.
Inilaga umano ng mga bata ang nasabing mga kamoteng kahoy saka kinain kung saan sinaluhan pa ang mga ito ng kanilang principal.
Gayunman, ilang oras matapos makain ang kamoteng kahoy ay nagsimulang sumakit ang ulo, magsuka, dumanas ng matinding diarrhea at pamamanhid ng katawan ang mga biktima kaya mabilis ang mga itong isinugod sa Buhi Community Hospital para malapatan ng lunas.
Sa pinakahuling monitoring sinabi ni Lipana na nakauwi na rin sa kanilang mga tahanan nitong Biyernes ang mga bata maliban sa kanilang principal na dahilan sa maselang kalagayan ay inilipat sa Maria Josefa Hospital sa Iriga City ng lalawigang ito.
- Latest
- Trending
























