Brodkaster sugatan sa ambush
MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang brodkaster matapos itong pagbabarilin ng tatlong armadong kalalakihan na magkakaangkas sa motorsiklo sa naganap na ambush sa Iloilo City nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang biktima na si Fernando Gabio, 60-anyos, brodkaster sa Aksyon Radio at dating Program Director ng Radio Mindanao Network (RMN) na nagtamo lamang ng sugat sa hita at isinugod sa Iloilo Mission Hospital para malapatan ng lunas.
Batay sa ulat ng Iloilo City Police, sinabi ni Cruz na kasalukuyang naglilinis ng kaniyang kotse ang biktima sa harapan ng tahanan nito sa Brgy. Democracia, Jaro District ng lungsod nang biglang pagbabarilin ng mga suspek dakong alas-8 ng umaga.
Ang mga suspek ay magkakaangkas sa motorsiklong may plakang 2335 FB na mabilis namang nagsitakas patungo sa direksyon ng Brgy. Sambag sa lungsod na ito.
Bago ang insidente ay nakatanggap ng death threat ang biktima mula sa hindi nakilalang mga suspek na hinihinalang nasagasaan nito sa kaniyang programa sa radyo.
Narekober naman ng mga awtoridad sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol at tatlo pang nadepormang bala na ginamit sa pagpuntirya sa biktima.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang motibo ng pagtatangka sa buhay ng biktima.
- Latest
- Trending















