TUGUEGARAO CITY ,Philippines – “Ayaw niyang ipaubaya ang pag-iibigan namin ni Catherine,” ito ang mapait na pagsasalarawan ng 30-anyos na marino sa lalaking umagaw sa kanyang nobya kasunod ng pagsuko nito sa pulisya kahapon matapos mapatay ang babae at ina nito sa Barangay Paddad sa bayan ng Alicia, Isabela noong Sabado.
Sumuko ang suspek na si Abe Astacio sa pulisya sa sariling bayan sa Solano, Nueva Vizcaya matapos niyang pagsasaksakin at mapatay ang mag-inang Catherine, 25; at Liza Galamay, 48, sa nabanggit na bayan.
Lumilitaw na kinompronta ni Astacio ang nobya at pamilya nito kaugnay sa pagpapakasal kay Jerry Acosta gayong nagregalo na siya ng bahay at lote para sa kanilang pag-iisang dibdib, ayon sa spot report ng pulisya.
Nadagdagan pa ng panibugho ang suspek na umuwing wala sa panahon mula sa East Africa nang malamang 3-buwang buntis na ang kanyang nobya kay Acosta.
Gayon pa man, kahit nabuntis ang babae ay nakiusap ang suspek kay Acosta na ipaubaya na lang sa kanya ang pag-iibigan nila ng nobya subalit tumanggi ito at naging matigas ang karibal.
Sa salaysay ng suspek sa pulisya na napunta lahat ng kanyang inipon pera sa paglalayag sa karagatan sa mga luho ng nobya.
Sa panig naman ni Acosta, lumilitaw na siya ang tunay na mahal ng babae at katunayan aniya ay fini-forward ng biktima ang mga maaanghang na text messages ng suspek sa kanyang cellphone.