MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang inilipat na Sulu ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang Australian hostage na retiradong sundalong si Warren Rodwell na binihag noong Disyembre 2011.
Ayon sa military commander na tumangging magpabanggit ng pangalan, base sa beripikasyon at impormasyon ng kanilang asset ay negatibo na ang presensya ni Rodwell sa Basilan.
“Rodwell is nowhere to be found in the hinterlands of Basilan, were his captors is guarding the hostage victim,” ayon sa opisyal base sa kanilang pinakahuling monitoring sa kalagayan ng hostage.
Si Rodwell inilipat na ng taguan ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama sa Sulu dahil na rin sa pinaigting na presensya ng tropa ng militar sa Basilan.
Una nang humingi ng $ 2 milyong ransom ang grupo ng mga kidnaper kapalit ng kalayaan ni Rodwell matapos ipadala ang video footage nito sa kaniyang pamilya na nagmamakaawa sa kaniyang buhay.
Magugunita na si Rodwell ng Sydney, Australia na sinasabing kasal sa Pinay ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa tahanan nito sa Green Meadows Subd. sa Brgy. Pangi, Ipil, Zamboanga, Sibugay noong Disyembre 5, 2011.