Mister nabuwang: 5-katao minasaker
MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang mag-asawang matanda ang minasaker matapos pagpapalakulin at pagtatagain ng mister na sinasabing nawala sa katinuan sa Purok 3, Barangay Bulwang sa bayan ng Numancia, Aklan kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni Aklan PNP director P/Senior Supt. Cornelio Defensor, dakong alas-5:30 ng umaga nang isagawa ang pagmasaker ng suspek na si Errol Roldan, 25.
Unang pinasok ng suspek ang tahanan ng mag-inang Salvacion Rivas, 84; at anak nitong si Baltazar Rivas, 52, kung saan ginamit ang matalim na palakol at bagong hasang itak.
Isinunod ng suspek na pasukin ay ang bahay ng mag-asawang Anunsacion Rivas, 92 at Luciano Rivas, 94; kung saan ang ikalimang minasker ay si Felicidad Rivas.
Samantala, malubha namang nasugatan si Rosa Rivas, 65, na naisugod sa Aklan District Hospital.
Base sa imbestigasyon, natutulog ang mga biktima nang pasukin ng mister na sinasabing sinumpong ng pagkabaliw dahil inabandona ng kanyang misis at apat na anak.
Arestado naman ang suspek at pormal na kakasuhan habang nakapiit sa himpilan ng pulisya.
- Latest
- Trending