MANILA, Philippines - Nasilat ng isang sundalo ng Cafgu Active Auxiliary na naka-off duty ang pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army sa kaniyang tahanan na ikinasawi ng isa sa mga rebelde sa Barangay Ilaya sa bayan ng Balud, Masbate kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Army‘s 9th Infantry Division spokesman Major Angelo Guzman, hindi nasiraan ng loob si Cafgu Romy Ariola na makipagbarilan sa grupo ng mga lumusob na rebelde.
Bandang alas- 4:40 ng hapon nang salakayin ng ilang rebeldeng NPA ang bahay ni Ariola sa nasabing lugar.
Nakipagpalitan ng putok si Ariola sa mga rebelde kung saan nasapul nito ang isa sa mga rebelde kaya mabilis namang umatras ang iba pang rebelde.
Nakilala naman ang nasawing rebelde na si Noel Sioco kapatid ni Cathernie Sioco alyas Ka Chin Chin na pawang miyembro ng Front Committee 83 ng NPA sa Masbate.
“Kailangan kung protektahan ang aking pamilya sa kapahamakan, nagpapasalamat ako at walang nasaktan sa kanila,” pahayag ni Ariola.
Nabatid pa na si Sioco ang responsable sa pagpatay sa kapatid ni Ariola noong 2010.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Lt. Col. Julian Pacatan, commanding officer ng Army’s 9th Infantry Battalion si Ariola sa ipinakita nitong katapangan.