BATANGAS, Philippines – Malagim na kamatayan ang sinapit ng tatlong kababaihan kabilang na ang isang madre matapos sumalpok sa hulihan ng trak ang kanilang pick-up sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) tollway sa bayan ng Malvar, Batangas kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Flordelina Espiritu, 82, madre ng Three Kings Parish Council; Jasmin Gracia Liwag, 35; at isang nakilala lamang sa pangalang Emily na kapwa mga kawani ng parish council sa Barangay San Vicente sa bayan ng Gapan, Nueva Ecija.
Samantala, sugatan naman sa Mary Mediatrix Hospital sa Lipa City sina Larry Mendoza Tumangan, 47; driver ng pick-up at Maribel Gervacio Sabat, 45, kapwa kawani din ng naturang parish council at mga residente sa bayan ng Gapan.
Sa report na nakarating kay P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director, binabagtas ng mga biktima ang southbound lane ng Startollway sakay ng Nissan Frontier (CRR-986) nang sumalpok sa sinusundang cargo truck (RFU-328) pagsapit sa KM-75 ng Barangay San Andres bandang alas-6:02 ng umaga.
Nahirapan ang mga tauhan ng Malvar PNP, Star tollway crew at Philippine Red Cross sa pagkuha sa mga biktima sa sasakyan matapos lumusot sa ilalim ng truck na kargado ng 39-toneladang pinatuyong butil ng mais.
“Posibleng nakatulog ang driver ng Nissan kaya sumalpok sa likod ng truck at wala naman kaming nakitang skid marks sa daan,” pahayag ni Capt. Carlito America, hepe ng security ng Star Tollway.
Iniimbestigahan naman ang driver ng truck na si Vincent Mampa ng Cordon, Isabela.