Search and retrival sa Negros tatapusin na
MANILA, Philippines - Tatapusin na hanggang Biyernes (Peb. 17) ang isinasagawang search and retrieval operations ng tropa ng pamahalaan sa mga pinaghahanap pang biktima ng 6.9 magnitude na lindol na yumanig sa Negros Oriental na grabeng naapektuhan sa Central at Western Visayas Region.
Kasabay nito, sinabi ni Benito Ramos, executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na gagawing memorial site ang Barangay Planas sa Guihulngan City at ang Barangay Solongon, La Libertad.
Ang mga nasabing lugar ay dumanas ng delubyo ng landslide dulot ng malakas na lindol na yumanig lalo na sa Central at Western Visayas noong Pebrero 6.
“Maglalagay ng mga krus dun sa area at magpapadasal,” ani Ramos dahil malabo ng marekober pa ang mahigit 60 katao pang nalibing nang buhay.
“Wala na, wala ng chance talagang negative na ‘yung findings nung thermal imager natin,” dagdag pa ni Ramos.
Sa tala, aabot sa 48 bangkay ang narekober sa mga lugar na sinalanta ng landslide sa Negros Oriental kung saan 23 dito ay mula sa Guihulngan City, 54 ang sugatan habang nasa 61 pa ang nawawala.
Samantala , pormal na ring itinurn-over kahapon ng AFP ang P 2 milyong halaga ng mga relief goods na donasyon ng hukbo sa mga biktima ng lindol sa Negros Oriental.
- Latest
- Trending