BATANGAS ,Philippines – Matagumpay na napasok at napagnakawan ng mga miyembro ng Acetylene Gang ang sangay ng Philippine Savings Bank (PSBank), Lipa City, Batangas kahapon ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, papasok na sana sa trabaho ang mga security guard na sina Reynaldo Boa at Don-Don Bayawa ng Grandeur Security Agency nang mapansin ng mga ito ang batuta na nakaharang sa entrance door ng banko bandang alas-8 ng umaga sa Ayala Highway, Barangay Balintawak.
Mabilis na nag-report ang dalawang sekyu sa himpilan ng pulisya dahil sa takot na baka nasa loob pa ang mga kawatan.
Ilang minuto pa ay rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapon And Tactics, Batangas provincial police office at pulis-Lipa ang nasabing banko pero hindi na inabutan ang grupo ng kawatan.
“The suspects ransacked the whole area and they were able to gain access in the bank’s vault,” pahayag ni P/Senior Supt. Rosauro Acio.
Nadiskubre ng mga imbestigador na binutas ng mga kawatan ang flooring ng banko malapit sa customer service booth kung saan gumawa ng lagusan na ginamit ang imburnal malapit sa banko.
“Akala kasi namin ‘yung mga construction worker ang nag-pupokpok sa ground floor kaya hindi namin pinapansin,” pahayag ng isang gym trainer na nagtatrabaho sa 2nd floor ng banko.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Ferdinand Ancheta, Lipa deputy chief ng Lipa PNP, hindi ginamitan ng acetylene torch ang vault at ginamitan lang ng maso.
Inaalam pa ng mga imbestigador at mga opisyal ng bangko ang halaga na natangay ng grupo.