KIDAPAWAN CITY, Philippines – Isang ex-Army na nakulong sa kasong frustrated murder ang nakapuga habang nagpapagamot sa Cotabato Provincial Hospital sa Amas Complex, Kidapawan City, North Cotabato kahapon ng madaling-araw. Bukod sa pumugang preso na si Randy Ugad ay tugis din ng pulisya ang apat na hindi kilalang lalaki na tumulong para makatakas ang una. Ayon kay P/Chief Inspector R. Herna, warden ng North Cotabato Rehabilitation Center, apat na ‘di kilalang lalaki ang pumasok sa kuwarto sa ospital ni Ugad at tinutukan ang mga jail guard at sekyu ng ospital.
Isa sa mga guwardiya ang nagsabi na ang isa sa mga tumulong sa pagtakas ni Ugad ay namataan noong Sabado ng gabi.
Nakuha sa close circuit television (CCTV) ng ospital ang larawan ng apat-katao at maging ang nagpakilalang misis ng preso.
Si Ugad ay inaresto at nakulong sa Pigcawayan, North Cotabato dahil sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.
Inilipat sa Amas Jail si Ugad noong Pebrero 8 mula sa detention cell ng Pigcawayan PNP kung saan kinailangang ipagamot dahil sa matinding sugat sa paa.
Mismong ang Pigcawayan Regional Trial Court ang nagpalabas ng utos sa Bureau of Jail Management and Penology sa North Cotabato na ipagamot si Ugad bago ito ipasok sa kulungan.