4 bayan, 1 lungsod sa Negros ghost town na

MANILA, Philippines - Nagmistulang ghost town na ang apat na bayan at isang lungsod  sa lalawigan ng Negros Oriental  matapos maapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Western at Central Visayas noong Lunes.

Kabilang sa mga itinutu­ring na ghost town ay ang mga bayan ng La Libertad, Ayungon, Jimalalud, Tayasan at Guihulngan City na karamihan ay dumanas ng landslide dulot ng malakas na lindol.

Sarado na rin ang mga establisyemento tulad ng mga restaurant, tindahan, grocery store, palengke, malls at maging ang mga bahay lalo na sa kabayanan ay walang nakatira.

Samantala, naputol din­ ang supply ng tubig sa mala­king bahagi ng Negros Oriental at pansamantalang pinutol muna ang kuryente bunga ng insidente.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin madaanan ang 3-tulay na bumagsak sa kasagsagan ng lindol habang lima pa ang napinsala rin sa kalamidad.

Kabilang sa hindi pa madaanan ay ang Martillo Bridge sa La Libertad, Panga­laluan Bridge sa Jimalalud, at Tinayunan Bridge sa Guihulngan City.

Sa inisyal na taya, aabot sa P632 milyong halaga ng imprastraktura ang nawasak,  P242 milyon naman sa mga kalsada, P230 milyon sa tulay, P160 milyon sa waterworks at iba pa.

Inihayag naman ni Major General Mabanta, commander ng 3rd ID na ipagpapatuloy nila ang pagtulong sa mga taong naapektuhan ng lindol sa kaniyang nasasakupan.

Inihayag naman ni Col. Francisco Zosimo Patrimonio, commander ng Army’s 302nd Infantry Brigade, patuloy ang kanilang disaster response kung saan nasa 81 pa ang pinaghahanap sa bayan pa lamang ng La Libertad at Guihulngan City.

Show comments