BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Naghalong takot, saya at labis na pagkamangha ang naging reaksiyon ng mga kamag-anak ng isang lola na unang idineklarang patay ng mga doktor, subalit muli itong nabuhay sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte.
Si Sylvia Gaoiran ng Barangay Elizabeth na sinasabing idineklarang patay sa ospital dahil sa sakit na stage 4 leukemia ay unang tinanggalan ng oxygen at monitoring machine na nakakabit sa katawan nito matapos malagutan ng hininga sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center.
Dito na nagdesisyon ang mga anak at iba pang miyembro ng pamilya na iuwi ang bangkay ng kanilang ina gamit ang ambulansiya.
Habang tinatahak ng ambulansiya ang kalsada papasok sa barangay na tinitirhan ng pamilya, nang malubak kung saan nauntog ang mga nakasakay na pasahero kabilang na ang iniiyakan na si Aling Sylvia.
Biglang dumilat ang mga mata ng matanda at agad inireklamo ang masakit na bahagi ng katawan dahil sa pagkauntog.
Dahil sa pagkagulat ay hindi agad nakapagsalita ang buong pamilya, subalit nasiyahan din ang lahat nang masigurong buhay ang kanilang iniiyakan na ina na unang idineklarang patay.
Palaisipan pa rin hanggang sa kasalukuyan ang hiwagang bumalot sa insidente.