RIZAL, Philippines – Napaslang ang dalawang lalaki na sinasabing mga karnaper makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa inilatag na checkpoint sa bayan ng Taytay, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga napatay na sina Novie del Rosario at Jake Buenaventura, kapwa may nakabinbing kaso sa korte kaugnay sa pagtutulak ng bawal na gamot at pagnanakaw.
Sa police report na nakarating kay Rizal PNP director P/Senior Supt. Rolando Anduyan, ang mga suspek ay positibong itinuro ng negosyanteng si Randy Espiritu na umagaw ng kanyang motorsiklo (NI-5551) noong Enero 31 sa Barangay San Juan.
Bago maganap ang shootout, ay namataan ni Espiritu ang kanyang motorsiklo na lulan ang mga suspek kaya agad nitong itinimbre sa himpilan ng pulisya.
Kaagad naman naglatag ng checkpoint ang pulisya sa mga exit point sa nasabing bayan kung saan namataan naman ang dalawa sa kahabaan ng Velasquez Street sa Bangiad, Barangay San Juan.
Tinangkang parahin ng mga pulis ang motorsiklo subalit pinaputukan sila ng backrider na si Del Rosario.
Dito na gumanti ang mga pulis hanggang sa mapatay ang motorcycle-riding gunmen.