MANILA, Philippines - Sampung dayuhang turista kabilang ang pitong Briton ang nailigtas makaraang aksidenteng lumubog ang sinasakyan ng mga itong bangkang de motor nang mag-island tour sa karagatan ng pamosong isla ng Boracay, Malay, Aklan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasagip na turista na sina Pip Defonblanque, Larry Braden, Nick Holk, Figur de Conig, Alistair Curry, Eunali Shin at Ian Almond; pawang British national; Akiko Sakai, Chinese; Kieren Dillon, Hong Kong national at mula sa New Zealand na si William Finn.
Sa phone interview, sinabi ni Boracay Special Tourist Police (BSTP) Chief P/Supt. Julio Gustilo, naganap ang insidente sa karagatan ng Puka Beach Resort, Brgy. Yapak, Boracay Island bandang alas-2:15 ng hapon.
Kasalukuyang lulan ng motorboat MBCA Capt K ang mga dayuhan kasama ang tatlong tripulante ng magpanik ang mga turista dahilan nag-umpisa ng balyahin ng malalakas na alon ang bangka hanggang pasukin ito ng tubig at lumubog.
Mabilis namang nagresponde gamit ang kanilang motorboat ang mga elemento ng Boracay Tourist Police ng makatanggap ng ‘distress call’ mula sa kapitan ng bangka at nasagip ang mga dayuhan.
Samantalang sinabi pa ni Gustilo, nakatanggap siya ng impormasyon na nakaligtas rin sa insidente ang tatlong tripulante na sina Ram Paloma, boat captain; Michael Cortan at Jason Cooper na dinala na sa isang pagamutan sa kapitolyo ng Kalibo upang malapatan ng lunas.